Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA) na aabot sa 14.89 milyon ang nadiskubre nilang late birth registration mula 2010 hanggang 2024.
Ginawa ng PSA ang kumpirmasyon sa pamamagitan ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na nagdidipensa ng kanilang panukalang budget sa susunod na taon.
Ito ay sa pagtatanong ni Sen. Risa Hontiveros kung may isinagawang audit matapos madiskubre ang pananamantala sa late registration ng pamilya ni dating Bamban Tarlac Mayor Alice Guo.
Ayon sa datos, sumasailalim pa sa audit PSA ang mahigit 50,000 na late birth registration.
Sa tala, 1,627 ang mga foreign national na nakakuha ng birth certificate ang na block na at nakaendorso na sa Bureau of Immigration, Department of Foreign Affairs at National Bureau of Investigation.
Nasa 18 naman kasama na ang birth certificate ni Guo ang nakaendorso na sa Office of the Solicitor General para sa kanselasyon.
Nakareport na rin aniya sa mga mayor ang mga local civil registrars na nag-apruba ng late registration ng mga dayuhan.
Mahigpit na rin anila ngayon ang patakaran sa late registration kung saan kasama na sa requirements ang biometrica at litrato para magamit sa identity verification. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News