dzme1530.ph

5 bagong istasyon sa ilalim ng LRT-1 Cavite Extension, bubuksan na ngayong buwan; pasahe, hindi tataas

Magbubukas na ngayong Nobyembre ang limang bagong istasyon sa ilalim ng LRT 1 Cavite Extension Project.

Sa press briefing sa Malakanyang, inanunsyo ni Transportation Sec. Jaime Bautista ang partial operations ng LRT 1 Cavite Extension sa susunod na dalawa hanggang tatlong linggo.

Ang limang bagong istasyon ay ang redemptorist – ASEANA Station, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station.

Sa oras na mag-operate, mapaiikli nito sa halos isang oras ang biyahe mula Quezon City hanggang Paranaque City at vice versa.

Inaasahang makapaghahatid ito ng 80,000 pasahero kada araw, habang nakikitang maiibsan nito ang mabigat na traffic sa Metro Manila at makabubuti sa ekonomiya at sa mga trabaho.

Tiniyak naman ni Light Rail Manila Corp. President Enrico Benipayo na walang magiging taas-pasahe sa LRT-1, ngunit magkakaroon ng dagdag-singil sa bawat dagdag na distansya sa limang bagong istasyon, at kabuuang ₱45 ang singil para sa biyahe mula Dr. Santos hanggang FPJ Ave. Station. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author