dzme1530.ph

Pagdinig sa Human Trafficking Case laban kay Cassandra Ong, iniurong ng DOJ sa Nov. 18

Iniurong ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa human trafficking case na isinampa laban kay Cassandra Li Ong sa Nov. 18.

Ang imbestigasyon na orihinal na itinakda ngayong lunes, ay magbibigay sana ng pagkakataon sa mga abogado ng Authorized Representative ng POGO firm na Lucky South 99 sa Porac, Pampanga, para makapagsumite ng kanilang Counter-Affidavits.

Sinabi ni Raphael Andrada, legal counsel ni Ong, na mayroon pang supplemental complaint na ihahain ang PNP criminal investigation and detection group.

Gayunman, hindi sumipot ang mga witness sa supplemental complaint ng PNP CIDG, kaya minabuti ng panel of prosecutors na i-reset ang pagsusumite nito.

Binigyang diin naman ni Andrada na kailangan muna nilang pag-aralan ang karagdagang reklamo bago sila maghain ng counter-affidavits.

Si Ong na kasalukuyang naka-detain sa correctional institute for women sa Mandaluyong City, ay nahaharap sa qualified human trafficking charges, kasama ang limampu’t isang iba pa, dahil sa umano’y kaugnayan nila sa operasyon ng Lucky South 99 scam farm. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author