Inanunsyo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na ilang simbahan sa bansa ang itinalaga bilang pilgrimage sites para sa Holy Year 2025.
Sinabi ni CBCP President Cardinal-elect Pablo Virgilio David, na bubuksan ng pilgrim churches ang kanilang mga pintuan sa mga deboto na nais magkaroon ng mas malalim na repleksyon at pakikipag-usap, at maranasan ang walang hanggang awa ng Panginoon, para sa jubilee year.
Sa temang “Pilgrims of Hope,” ang jubilee ay opisyal na magsisimula sa Dec. 24, 2024, kung saan bubuksan ni Pope Francis ang “Holy Door” sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City, at pangungunahan nito ang isang misa.
Idinagdag ng CBCP na itinalaga ng mga obispo ang kanilang mga katedral at dambana bilang espesyal na lugar dalanginan para sa mga deboto dahil marami ang hindi makakapunta sa Rome para sa pilgrimage.
Ilan sa pilgrim churches sa bansa para susunod na taon ay ang St. Joseph Cathedral Parish sa Alaminos, Pangasinan; International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City; San Sebastian Cathedral sa Bacolod City; at Our Lady of the Atonement Cathedral sa Baguio City. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera