dzme1530.ph

Hinihinging subsidiya ng PhilHealth sa susunod na taon, posibleng hindi pagbigyan

Aminado si Senate President Francis Escudero na mahihirapan ang PhilHealth sa hinihingi nilang subsidiya sa ilalim ng 2025 proposed budget.

Sinabi ni Escudero na kailangang ipaliwanag nang maayos ng PhilHealth ang paghingi ng dagdag pondo gayung mayroon itong excess funds na aabot sa ₱500-B sa pagtatapos ng 2024.

Ipinaalala ng senate leader na sa bawat taong hindi nagagastos ang pondo ng PhilHealth ay apat na porsyento ang agad na nasasayang dahil sa epekto ng inflation.

Hindi anya makatwirang dagdagan pa ng pondo ang isang ahensya na hindi na kayang gastusin ang ibinibigay na budget dito.

Kailangan din aniyang hintayin ang desisyon ng Korte Suprema kaugnay sa mga petisyon laban sa paglilipat ng savings ng PhilHealth sa National Treasury.

Sa tantya ni Escudero, kahit hindi bigyan ng subsidiya ang PhilHealth sa susunod na taon ay kakayanin pa ng ahensyang maibigay ang nararapat na serbisyo sa mga miyembro dahil sa savings nito.

Kaya mas makabubuti anyang ilaan ang ibibigay na subsidiya sa iba pang proyekto tulad ng imprastraktura at edukasyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author