dzme1530.ph

Tumataas na drug-related crimes na ipinalutang ni dating pangulong duterte, taliwas sa realidad ayon sa DOJ

Pinabulaanan din ng Department of Justice ang pahayag ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumataas umano ang krimeng may kaugnayan sa iligal na droga sa bansa.

Ayon kay Justice sec. Boying remulla, maayos at malaki ang ini-angat ng peace and order situation sa bansa.

Iginiit ni Remulla na ang mga sinabi ni Duterte sa pagdinig ng senado kaugnay ng war on drugs ay tumataliwas sa datos ng Philippine National Police.

Batay umano sa records na isinumite ng PNP kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., bumaba sa 324,368 mula sa 363,075 ang naitalang krimen mula july 2022 hanggang January 31 2024, na mas mababa ng 10.66% mula sa datos noong December 1, 2020 hanggang June 30, 2022.

Malaki rin ang nabawas sa walong focus crimes kabilang ang rape na bumaba ng 11.08%, physical injury na bumaba ng 10.59%, 2.26% sa robbery, 10.17% sa murder, 23.27% sa carnapping, at 0.91% sa homicide.

Ito umano ang nagpapatunay sa kawalan ng katibayan ng pahayag ni duterte, at hindi umano ito sumasalamin sa realidad na may konkretong datos. Tiniyak ng DOJ na ang peace and order ay nananatiling top priority ng Administrasyong Marcos, at patuloy na itataguyod ang rule of law para sa mga Pilipino. —ulat mula kay Harley Valbuena

 

About The Author