Tiniyak ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gagamitin ang lahat ng mapagkukunan ng national gov’t para sa paghahatid ng tulong tungo sa mabilis na pagbabalik sa normal ng kondisyon at pamumuhay ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Kristine.
Sa social media post, inihayag ng Pangulo na agaran at walang-pagod na kumikilos ang pamahalaan para sa relief, recovery, at rehabilitation efforts, lalo na sa Bicol Region.
Pinalakas din ang mga preparasyon mula Southern hanggang Northern Luzon, at ginawang prayoridad na maibsan ang pinsala ng bagyo, ilikas ang mga nakatira sa mapanganib na lugar, at i-preposition ang relief goods at mga tauhan.
Inatasan na rin ang lahat ng ahensya at maging ang mga katuwang sa pribadong sektor na makiisa sa pag-aksyon ng gobyerno.
Sinabi ni Marcos na dumating na ang tulong sa maraming lugar habang paparating na rin ang tulong sa iba pa, at wala umanong sinumang Pilipino ang maiiwan.
Sa nagkakaisa at mabilisang pagkilos ay malalampasan umano ang unos, muling itatayo ang mga sinira ng bagyo, at babangon ang bansa bilang mas matatag at mas matibay na bayan. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News