dzme1530.ph

50-man clearing team ng MMDA nagtungo sa Bicol Region para tumulong, maghatid ng malinis na inuming tubig

Tumulak na patungong Bicol Region, na lubhang sinalanta ng bagyong Kristine, ang mga tauhan ng MMDA para tumulong sa mga lugar na tinamaan ng malakas na ulan at pagbaha.

Ang ipinadalang team ay binubuo ng 30-man clearing at 20-man search and rescue personnel na may dalang 40 solar-powered water filtration system, isang aluminum boat, dalawang engine-operated rubber boat, 20 maliliit na fiberglass boat, 1000 life vests, anim na chainsaw, modular tents at mga gamot para sa leptospirosis.

Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, aalisin ng team ang mga debris sa kalsada na maaaring makahadlang sa mobility at accessibility.

Nais ng ahensya na matiyak na ligtas sa bagyo ang Metro Manila, kaya’t naghahanda na rin anya sila sakaling tamaan ang NCR at napagpasyahan nito na i-dispatch ang kalahati ng mga asset sa Bicol Region.

Patuloy aniya silang nagko-coordinate at nagmomonitor sa sitwasyon sa kalakhang lungsod sa pamamagitan ng mga advisories na inilabas ng PAGASA.

Nakikipag-ugnayan din ang MMDA sa Office of Civil Defense (OCD) na tutukuyin ang eksaktong mga lugar kung saan ipapadala ang contingent at resources ng ahensya.

Ang mga food packs mula sa mga institusyonal donor ay ipapamahagi din sa mga apektadong indibidwal at inaasahang darating sa Bicol Region bukas ng umaga. —ulat mula kay Tony Gildo, DZME News

About The Author