Magpapadala ang Dep’t of Health ng tatlong World Health Organization-verified medical teams sa tatlong rehiyon sa Luzon upang maghatid ng serbisyong medikal sa harap ng epekto ng bagyong Kristine.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, ang tatlong international medical teams na may kategoryang level one, ay binubuo ng 30 katao, at kumpleto ito sa water, sanitation and hygiene (WASH) facilities para sa outpatient care.
Ang isang team umano ay ipadadala sa Bicol Region, ang isa ay sa Northern Luzon, at ang nalalabi ay sa Central Luzon.
Sinabi ni Herbosa na ang isa sa international medical teams ay dati nang naipadala sa Turkey noong tinamaan ito ng malakas na lindol.
Samantala, iniutos naman ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang agarang pagpapadala ng water purifiers sa mga apektadong lugar partikular na sa Bicol Region. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News