dzme1530.ph

Bantay sa selda ng pinaslang na dating alkalde na si Rolando Espinosa, pinaluhod at pinaharap sa pader ng mga pulis

Inutusan ng mga pulis na nagsilbi ng search warrant kay dating Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa sa loob ng selda nito sa Baybay City Provincial, ang mga bantay nito sa selda na lumuhod at humarap sa pader.

Ibinunyag ni Julito Retana sa Quad Committee ng House of Representatives na sinubukan niyang tingnan para basahin ang search warrant na isisilbi sa dating alkalde na ikinulong dahil sa drug charges, subalit hindi ito ibinigay sa kanya ng mga pulis.

Sinabi ng jail guard na may dalang mga baril ang mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group nang magtungo sa selda, at bagaman hindi sila tinutukan at inutusan silang lumuhod.

Aniya, mayroon din naman silang mga baril, subalit kinumpiska ito ng mga pulis.

Inamin din ni Retana na hindi na sila nagtangka pang gumanti dahil kakaunti lamang sila.

Ang pagsisilbi ng search warrant kay Espinosa bunsod ng paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ay nauwi umano sa barilan sa loob ng selda ng dating alkalde, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo na kanyang ikinasawi. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

 

 

About The Author