Binigyan ng hanggang Oktubre 25 ang mga lokal na pamahalaan upang isumite sa Metropolitan Manila Development Authority ang listahan ng mga kalsadang isasara para sa Undas 2024.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni MMDA Director for Traffic Enforcement Group Atty. Victor Nuñez na ang bawat LGU ay may isusumiteng traffic plans, partikular sa mga kalsadang malapit o patungo sa malalaking sementeryo.
Sinabi ng MMDA na sa oras na ibigay ng mga LGU ang traffic plans, sila na mismo ang magsasapubliko at magpo-post nito sa social media.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang MMDA sa mga LGU na may malalaking terminals tulad ng Quezon City, Pasay, Caloocan, Maynila, at Parañaque partikular ang PITX, para sa inaasahang exodus ng mga pasaherong magsisiuwian sa mga probinsya sa Undas.
Pinulong na rin ang Highway Patrol Group, National Capital Regional Police Office, at iba pang kaukulang ahensya upang mapanatili ang seguridad at maayos na daloy ng trapiko sa Undas. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News