dzme1530.ph

Conflict of interest sa posibleng pamamahala ni Sen. Bato dela Rosa sa imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte admin, dapat resolbahin

Dapat desisyunan ni Senate President Francis Escudero ang posibleng conflict of interest sa ikakasang imbestigasyon kaugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, nasa desisyon na ni Escudero at sa mga kapwa nila senador kung sino ang dapat na mamuno sa ikakasang pagsisiyasat.

Una nang sinabi ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs chairman Ronald Bato dela rosa na magsasagawa siya ng motu propio investigation tungkol sa isyu.

Gayunman, maraming pumupuna kay dela Rosa dahil siya ang nanguna sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.

Nanindigan naman si dela Rosa na hindi siya mag-iinhibit sa pagdinig.

Iginiit ni Pimentel na dapat hanapan ng oras ang pagbusisi sa isyung ito dahil na rin sa dami ng namatay sa drug war ng Duterte administration.

Dapat lang aniyang bigyan ng seryosong atensyon ng mga senador ang mga biktima at kanilang mga pamilya.

Binigyang- diin ng senador na kailangan managot ang mga mapapatunayang guilty sa mga krimen at maalis sa serbisyo ang nagpabaya sa pag iimbestiga ng mga kaso ng extra judicial killing sa pagpapatupad ng drug war. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author