dzme1530.ph

Maruming mga CR sa Intramuros, Maynila, pinuna ng isang senador

Pinuna ni Sen. Loren Legarda ang Intramuros Administration sa dami ng mga basura at maruruming palikuran sa Intramuros area.

Sa pagtalakay sa panukalang budget ng Department of Tourism, iginiit ni Legarda na heritage site ang Intramuros kaya’t maraming turista ang nagtutungo kaya’t nakakahiya dahil marumi ito.

Kaya, pinayuhan ni Legarda ang Intramuros Administration na makipagtulungan sa Department of Labor and Employment upang mag-deploy ng mga tagalinis na susuwelduhan sa ilalim ng TUPAD program o emergency employment program ng gobyerno.

Dapat din anyang makipagpulong ang Intramuros Administration sa limang barangay na nakakasakop sa area upang turuan silang tumulong sa pagpapanatili ng kalinisan.

Kaugnay nito, humirit ng dagdag na pondo ang head ng Intramuros Administration na si Atty. Joan Padilla upang maibalik ang regular na cultural presentation sa Intramuros.

Gayundin, iginiit ni Padilla na sadyang marami sa pasilidad nila sa Intramuros ang sira na.

Idinagdag pa ni Padilla na humiling na rin sila sa Metropolitan Manila Development Authority ng environmental enforces para mapatawan ng multa ang mga nagkakalat sa Intramuros o kaya ay dagdagan ang kanilag pondo para makakuha ng sariling mga tauhan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author