Nakapaglabas na ang Home Development Mutual Fund (HDMF), o Pag-ibig Fund ng ₱88 billion na halaga ng home loans simula Enero hanggang Setyembre ngayong 2024.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, inihayag ni Pag-ibig Chief Executive Officer Marilene Acosta na halos 55,000 miyembro ang nag-avail ng housing loans sa harap ng mababang interes at mahabang term o panahon ng pagbabayad ng loan kumpara sa loan ng mga bangko.
Maaari rin umanong makautang ang mga miyembro ng hanggang ₱6-M depende sa kanilang kakayanang makapagbayad.
Nasa 6.25% umano ang interes sa 3-year fixing period habang 3% naman ang para sa minimum wage earners na kukuha ng socialized housing package.
Sinabi ni Acosta na malaking bagay ito upang matugunan ang malaking backlog sa pabahay sa maraming Pilipino. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News