dzme1530.ph

143 Pinoy na binigyan ng pardon ng UAE, may minor offenses lamang ayon sa DFA

Inihayag ng Dep’t of Foreign Affairs na ang 143 Pilipinong binigyan ng pardon ng United Arab Emirates, ay may minor offenses lamang.

Ayon kay DFA Usec. Eduardo de Vega, pormal silang inabisuhan ng UAE Embassy noong Agosto kaugnay ng pardon para sa mga Pinoy.

Ito umano ay bilang bahagi na rin ng pagdiriwang ng Eid’l Adha noong Hunyo.

Gayunman, nilinaw ng DFA na hindi major offenses ang kinahaharap ng mga Pinoy, at wala sa kanila ang nasa death penalty.

Mababatid na inanunsyo ang paggagawad ng pardon sa 143 na Pinoy kasunod ng pakikipag-usap sa telepono ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay UAE President Sheikh Mohamed bin Zayed. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author