Nagpahiwatig umano ng intensyon si resigned National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Edilberto Leonardo na magsasalita na tungkol sa cash rewards kapalit ng pagpatay sa drug suspects sa ilalim ng war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Ito’y matapos sabihin ng isa sa mga pinuno ng apat na komite sa Kamara na nag-iimbestiga sa war on drugs, na kailangang pagtibayin ang mga ibinulgar ni Ret. Pol. Col. Royina Garma upang magkaroon ng bigat.
Sinabi ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante Jr., Chairman ng House Committee on Human Rights, na nakausap na nila si Leonardo at tila may pahiwatig na ito na magsasalita para sa iba pang mga detalye.
Kahapon ay kinumpirma ng Malakanyang na natanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Leonardo sa NAPOLCOM, sa gitna ng pagdinig ng quadcom. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera