dzme1530.ph

8 pang OFWs mula sa Lebanon, nakabalik na sa Pilipinas

Balik-bansa na ang walo pang Overseas Filipino Workers mula sa Lebanon.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dumating ang OFW returnees sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, kahapon.

Bunsod nito ay umakyat na sa 450 OFWs at 28 dependents ang nakauwi na sa Pilipinas simula noong October 2023 nang sumiklab ang digmaan sa pagitan ng Israel at militanteng grupong Hamas.

Sa pag-uwi ng mga OFW, makatatanggap sila ng ₱75,000 mula sa DMW Aksyon Fund; ₱75,000 mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); at livelihood assistance na nagkakahalaga ng ₱20,000 mula sa Department of Social Welfare and Development.

Una nang inihayag ng Presidential Communications Office noong Sabado na 37 pang OFWs ang darating mula sa Istanbul, Turkiye, mamayang gabi. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author