Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ASEAN-Plus Three (APT) countries na itaas ang suplay ng reserbang pagkain sa harap ng banta ng climate change.
Sa kanyang intervention sa 27th ASEAN-Plus Three Summit sa Laos, binanggit ng Pangulo ang 2024 World Risk Index kung saan tinukoy ang Pilipinas na isa sa mga pinaka-nanganganib sa pagbabago ng panahon.
Partikular umanong maaapektuhan nito ang agrikultura at suplay ng pagkain.
Kaugnay dito, hinimok ni Marcos ang APT na palakasin ang mga mekanismo at dagdagan ang imbak na bigas at iba pang pangunahing pagkain, upang maging handa sa mga sakunang magiging banta sa food security ng rehiyon.
Ang ASEAN-Plus Three ay kinabibilangan ng ASEAN countries at ng China, Japan, at South Korea. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News