Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ASEAN at global business leaders na maglagak ng puhunan sa Pilipinas, partikular sa mga sektor ng green metals, battery manufacturing, energy equipment, data centers, at agribusiness.
Sa kanyang keynote speech sa ASEAN Business and Investment Summit 2024 sa Laos, inihayag ng Pangulo na inihahanda na ang nasa 1.5 million na manggagawang Pilipino para sa global digital economy.
Ipinagmalaki rin ni Marcos ang ipinatutupad na national ID system na nagpadali sa access ng mamamayan sa financial, social protection, health, education, at iba pang serbisyo ng gobyerno.
Ibinida rin nito ang mga ipinasang batas at kautusang nagpagaan at nagpa-simple sa polisiya ng pagne-negosyo sa bansa, kabilang ang Public-Private Partnership Code, Internet Transactions Act, Green lanes para sa strategic investments, at ang isinusulong na Create More Act.
Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na ang Pilipinas ay isang ideal hub para sa smart at sustainable manufacturing. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News