Nagtapos na kahapon ang paghahain ng Certificates of Candidacy para sa Halalan 2025, sa pamamagitan ng 184 na aspirante sa pagka-senador at 190 party-lists, ayon sa Comelec.
Sa huling araw ng filing ng COC, kahapon, 57 senatorial aspirants ang humabol, gaya nina Rodante Marcoleta, Kiko Pangilinan, Apollo Quiboloy, Vic Rodriguez, at Willie Revillame.
53 namang party-lists ang naghain ng Certificates of Nomination and Acceptance (CONA), kabilang ang Kababaihan, Batang Quiapo, Serbisyo sa Bayan, Aksyon Dapat, Asenso Pinoy, Cibac Partylist, AGAP, TUCP, Probinsyano Ako, Tutok to Win, Aangat Tayo, at Tinig ng Senior.
Samantala, kinumpirma ng poll body na winithdraw ni dating Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kandidatura nito sa pagka-senador matapos mag-sumite noong Lunes ng COC bilang independiente, sa pamamagitan ng isang representative.
Sinabi ni Comelec Spokesperson Rex Laudiangco na pasado alas 12 ng tanghali, kahapon, nang personal na bawiin ni Lorenzana ang kandidatura nito, bagaman wala itong ibinigay na dahilan. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera