dzme1530.ph

Pagpapalakas ng kooperasyon sa agrikultura at kalakalan, isinulong sa pulong nina PBBM at ng Vietnamese PM

Isinulong ang pagpapalakas ng kooperasyon ng Pilipinas at Vietnam sa ekonomiya partikular sa agrikultura at kalakalan.

Ito ay sa pulong nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa sidelines ng 44th at 45th ASEAN Summit sa Lao People’s Democratic Republic.

Ayon sa Pangulo, naging produktibo ang pulong nila ng Vietnamese leader, at ang dalawang bansa ay kapwa nasa direksyon ng economic transformation.

Kaugnay dito, umaasa si Marcos na ang kolaborasyon at “healthy competition” ng Pilipinas at Vietnam ay patuloy na magdadala ng kapakinabangan sa kani-kanilang mamamayan.

Kasabay nito’y tiniyak ng dalawang lider ang pag-aangat ng pagtutulungan sa mga pangunahing sektor, bilang pagdiriwang na rin ng ika-10 Anibersaryo ng Philippines-Vietnam Strategic Partnership sa 2025.

Nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang Pangulo para sa mga nasawi sa pananalasa ng Typhoon Yagi sa Vietnam, at para na rin sa pagpanaw ni Vietnam Communist Party General Secretary Nguyen Phu Trong. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author