dzme1530.ph

Approval ng budget ng ilang ahensyang hindi tumutugon sa hiling ng Senado sa kanilang protocols, binalaang haharangin

Nagbanta si Sen. Joel Villanueva na haharangin ang approval ng budget ng ilang ahensya ng gobyerno na hindi pa rin nagsusumite ng kanilang protocols at proseso sa pag iimbestiga sa isyu ng POGO operations.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado kaugnay sa POGO operations, nagpahayag ng pagkadismaya si Villanueva na hanggang ngayon tanging National Bureau of Investigation at Civil Aviation Authority of the Philippines pa lamang ang nagsumite ng protocols.

Partikular na pinuna ni Villanueva ang Bureau of Immigration at Philippine National Police na hanggang ngayon ay hindi pa tumutugon sa kanilang kahilingan na magsumite ng protocols at proseso.

Kasabay nito, hinimok ng senador ang mga ahensya ng gobyerno na kapag haharap sa pagdinig ng Senado ay tiyaking handa sila sa mga kinakailangang isumite.

Pinuna naman ni Senador Ronald dela Rosa ang tila pambabalewala ng mga head of agencies na humaharap sa pagdinig.

Sinabi ni dela Rosa na dapat sana ay mga pinuno o mataas na opisyal ng ahensya ang humaharap sa pagdinig upang hindi na rin nagtuturuan pa ang mga tauhan ng ahensya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author