dzme1530.ph

PH at SoKor, lumagda sa mga kasunduan sa maritime cooperation, feasibility study sa Bataan Nuclear Power Plant, loan agreements, atbp.

Lumagda ang Pilipinas at ang South Korea sa iba’t ibang kasunduan, kasunod ng bilateral meeting sa Malacañang nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at South Korean President Yoon Suk Yeol.

Iprinisenta ang mga nilagdaang dokumento kabilang ang Memorandum of Understanding para sa Maritime Cooperation ng Philippine Coast Guard at Korea Coast Guard.

Sa joint press statement, inihayag ng Pangulo na ang Maritime Cooperation ay para sa pagtataguyod at proteksyon ng mutual maritime interest at maritime order and safety sa Asia-Pacific region.

Sinelyuhan din ang MOU sa Economic Innovation Partnership Program, at MOU sa Strategic Cooperation para sa suplay ng critical raw materials.

Samantala, pinirmahan din ang MOU para sa feasibility study ng Bataan Nuclear Power Plant, kaugnay ng planong pagbuhay sa nasabing planta upang makatulong sa energy security ng bansa.

Iprinisenta rin ang Loan Agreement sa Samar Coastal Road II Project at MOU sa Laguna Lakeshore Road Network Project Phase I at Panay-Guimaras-Negros Island Bridges Project.

Kasama rin ang MOU sa pagitan ng Dep’t of Tourism at Korean Ministry of Culture, Sports, and Tourism, para sa pagpapatuloy ng bilateral tourism cooperation ng dalawang bansa. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author