Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Okt. 15 ng bawat taon bilang “National Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day”.
Sa Proclamation No. 700, nakasaad na maraming pamilyang Pilipino ang naapektuhan sa mga aspetong emosyonal at psychological, sa miscarriage at stillbirth o pagkalaglag ng dinadalang sanggol ng mga ina.
Ilan umano sa mga naging indikasyon nito ay ang maternal age o edad ng nagbubuntis, mga kondisyon sa kalusugan, lifestyle, at maternity care.
Kaugnay dito, inilaan ang ispesyal na araw upang alalahanin ang mga sanggol na kaagad binawian ng buhay, at ang mga nagdalamhating ina at mga pamilya.
Inatasan naman ang Dep’t of Health na pangunahan ang mga programa, aktibidad, at proyekto sa paggunita ng “National Pregnancy and Infant Loss Remembrance Day”, habang hinikayat ang iba pang national gov’t agencies, local gov’t units, NGOs, at pribadong sektor na makiisa sa obserbasyon.
Ipinawalang-bisa na rin ang Proclamation No. 586 na nag-deklara sa March 25 bilang “Day of the Unborn”. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News