dzme1530.ph

Comelec, tiniyak na ipatutupad ang Ombudsman ruling laban kay Alice Guo

Malaki ang posibilidad na madiskwalipika lamang ng Commission on Elections ang muling kandidatura ni dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo sa sandaling maghain ito ng certificate of candidacy (COC).

Una nang inanunsyo ni Atty. Stephen David, abogado ni Guo na desidido ang kanyang kliyente na muling sumabak sa Halalan.

Ipinaliwanag ni Comelec Chairman George Garcia na gagawin nila ang kanilang ministerial duty na tanggapin ang ihahaing COC ng kampo ng sinibak na alkalde gayundin ng iba pang personalidad na may kahalintulad na sitwasyon.

Gayunman, sinabi ni Garcia na may tungkulin din silang ipatupad ang ruling ng Ombudsman kaugnay sa perpetual disqualification laban sa isang indidbiwal na humawak ng isang posisyon sa gobyerno.

Kinumpirma ni Garcia na may mga natanggap na silang kopya ng ruling ng Ombudsman, hindi lamang sa Tarlac kundi maging sa iba pang lugar sa bansa na may kaparehong sitwasyon.

Binigyang-diin ng opisyal na kinikilala nilang immediately executory ang ruling ng Ombudsman kahit pa mayroong nakahaing apela laban dito sa Court of Appeals.

Ang tanging makakahadlang lamang aniya sa implementasyon nila sa ruling ay kung makakakuha ang sinuman ng temporary restraining order sa CA.

Subalit dapat aniyang mailabas ang TRO bago pa silang maglabas ng pinal na listahan ng mga kandidato at makapag-imprenta ng mga balota. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author