dzme1530.ph

Lumalalang sigalot sa WPS, idudulog ng pangulo sa ASEAN Summit sa Laos

Tiyak na idudulog ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lumalalang sigalot sa West Philippine Sea, sa nakatakdang pagdalo sa 44th at 45th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Lao People’s Democratic Republic.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Dep’t of Foreign Affairs Assistant Sec. for ASEAN Affairs Daniel Espiritu na iu-ulat ng Pangulo ang mga pinaka-bagong developments o kaganapan sa South China Sea.

Mababatid na kung dati ay mga sasakyang pandagat lamang ng Pilipinas ang hinaharas ng China, ngayon ay pinupunterya na rin nito maging ang ating air assets.

Sinabi naman ni Espiritu na isusulong ng ASEAN leaders ang settlement o pag-resolba sa mga sigalot nang naaayon sa international law.

Samantala, bukod sa ASEAN Summit ay idaraos din ang ASEAN-China Summit, at ang ASEAN Plus 3 Summit kasama ang China, Japan, at South Korea, at bagamat hindi makadadalo si Chinese President Xi Jinping ay magsisilbing kinatawan ng China si Chinese Premier Li Qiang. —sa panulat ni Harley Valbuena, DZME News

About The Author