Prinotektahan ng mga mistah o ka-klase sa Philippine Military Academy (PMA) ng pinaslang na PCSO Board Secretary na si Wesley Barayuga ang mga whistle-blowers sa krimen.
Ayon sa PMA Matikas Class of 1983, tiniyak nila ang kaligtasan ng whistle-blowers na sina Police Lt. Col. Santie Mendoza at dating Police Corporal Nelson Mariano simula noong October 2020, ilan buwan matapos ang pamamaslang sa kanilang mistah.
Sinabi ni Ret. Col. Enrique Dela Cruz, bumuo ang kanilang mga kaklase na may posisyon sa gobyerno ng core group para magtrabaho ng tahimik at mangalap ng mga testigo at ebidensya para maresolba ang kaso at mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Barayuga.
Idinagdag ni Dela Cruz na naghintay sila ng tamang panahon para ilantad sina Mendoza at Mariano bilang konsiderasyon sa seguridad ng dalawang whistle-blowers.
Sa pagdinig ng House Quad Committee, ibinunyag ni Mendoza na sina dating PCSO General Manager Royina Garma at NAPOLCOM Commissioner Edilberto Leonardo ang nag-utos na patayin si Barayuga. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera