dzme1530.ph

Harry Roque, umaasang pakikinggan ng SC ang iba pa niyang petisyon laban sa QuadComm

Umaasa si dating Presidential Spokesperson, Atty. Harry Roque na pag-aaralan ng Supreme Court (SC) ang kanyang natitirang apela laban sa imbestigasyon ng apat na komite sa Kamara na nag-cite in contempt at ipinag-utos ang pag-ditine sa kanya.

Ito’y matapos ibasura ng Kataas-taasang Hukuman ang petition for writ of amparo ni Roque, habang sustained ang kanyang writ of prohibition.

Sa Facebook post, sinabi ng dating opisyal na tinatanggap niya ang  pagbasura ng SC sa kanyang petition for amparo, subalit naniniwalang pakikinggan ang kanyang nalalabing hirit  laban sa pagdinig ng House Quad Committee na hindi na aniya “in aid of legislation.”

Bukod sa amparo para pigilan ang pag-aresto sa kanya, hiniling din ni Roque sa SC na maglabas ng writ of certiorari at writ of prohibition para pigilan ang QuadComm na obligahin siya na mag-produce ng anumang karagdagang dokumento o dumalo sa mga susunod na pagdinig.

Inatasan naman ng Korte Suprema ang  QuadComm na mag-komento sa petisyon ng dating presidential spokesman. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera

About The Author