dzme1530.ph

Subscription at transaction fees sa foreign digital services tulad ng Netflix, posibleng tumaas dahil sa 12% VAT

Posibleng tumaas ang singil ng foreign digital service providers sa subscription at mga transaksyon sa mga Pilipinong customers.

Ito ay sa pagpasa ng batas na magpapataw ng 12% value-added tax sa non-resident digital services tulad ng Netflix, Google, Disney+, at iba pa.

Sa press briefing sa Malacañang, inihayag ni Bureau of Internal Revenue Commissioner Romeo Lumagui Jr. na naka-depende sa service providers ang idadagdag sa kanilang singil, ngunit inaasahang minimal o kaunti lamang ito.

Bagamat malaya ang service providers na magtakda ng sarili nilang presyo, inaasahan naman umanong ia-angkop nila ito sa porsyento ng idaragdag na VAT.

Nilinaw naman ng BIR na hangad lamang nilang gawing patas ang sistema para sa kapakanan ng local digital services na dati pa man ay nagbabayad na ng VAT.

Hindi rin umano dinadagdagan ang buwis ng ordinaryong Pinoy, kundi pinagtibay at pinalawak lamang ang awtoridad ng BIR sa pagbubuwis sa mga kumpanyang nakikinabang sa konsumo ng mga Pilipino.

Sa ilalim ng batas, may kapangyarihan na ang BIR na suspendihin o i-block ang website ng mga lalabag na digital services sa pamamagitan ng Oplan Kandado program.

Saklaw nito ang online search engines, cloud services, media and advertising, at e-market places at digital goods, at kailangan ay mayroon silang kitang higit o nakikitang lalagpas sa tatlong milyong piso sa nagdaang isang taon.

Ilalabas ang IRR ng batas sa loob ng 90-araw, at sisimulan na ang pagpapataw ng VAT 120-araw matapos maging epektibo ang IRR. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author