Naniniwala si Senate Majority Leader Francis Tolentino na mas mabilis, episyente, at praktikal kung uupa ang pamahalaan ng police at naval assets upang palakasin ang kapulisan at hukbong pandagat ng bansa.
Ayon kay Tolentino, maraming bansa tulad ng Singapore, Australia, France, United Kingdom, Japan, at India, ang umuupa ng police at naval assets mula sa ibang bansa para makaiwas sa malaking gastos.
Una nang ipinanukala ni Tolentino ang pag-upa ng maritime vessels matapos mag-withdraw ang BRP Teresa Magbanua noong Sept.15 sa Escoda Shoal, na agaran namang inokupa ng mga barko ng China.
Ayon kay Commander John Percie A. Alcos, direktor ng Public Affairs Office ng Philippine Navy, inabot ng halos limang taon mula pag-order hanggang pag-deliver ang 32-meter attack and missile-capable ships mula Israel, na dumating sa bansa ngayong linggo.
Sumang-ayon si Alcos sa posisyon ni Tolentino na magsisilbing force multiplier para sa Philippine Navy kung makakakuha ng karagdagang mga barko ang bansa sa pamamagitan ng lease arrangement.
Ginamit bilang halimbawa ni Tolentino ang bansang Singapore na aniya’y umupa ng submarino mula sa Sweden para palakasin ang naval fleet nito.
Ibinahagi rin ng senador ang binanggit sa kanya ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil na maging ang isang mayamang bansa tulad ng Australia ay umuupa rin ng police cars at mga ambulansya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News