Dalawang bagong testigo ang humarap sa Quad Committee para isiwalat ang katotohanan sa pagpatay kay Atty. Wesley Barayuga, dating Corporate Board Secretary ng PCSO.
Ang dalawang testigo ay si Police Lt. Col. Santi Mendoza ng PNP Drug Enforcement Group, at Police Corporal Nelson Mariano.
Sa apat na pahinang affidavit ni Mendoza, isinalaysay nito ang pagkakasangkot niya sa pagpatay kay Atty. Barayuga na retirado ring Police General.
Tinukoy ni Mendoza si dating PCSO General Manager Royina Garma bilang mastermind sa pagpatay kay Atty. Barayuga, base sa sinabi sa kanya ni Col. Edilberto Leonardo.
October 2019, tinawagan umano siya ni Leonardo at humihingi ng tulong sa isang operasyon na high value ang target.
Bagaman at may alinlangan siya sa utos, napilitan din siyang sumunod dahil ang utos ay mula sa nakatataas na opisyal at upperclassman niya na si Col. Leonardo, at sa utos din ni GM Garma ng PCSO.
Dahil sa lockdown tumagal umano ang plano, pero noong Hunyo 2020 muli siyang tinawagan ni Col. Leonardo at iginiit na gawin na ang trabaho dahil matagal na ang panahon ang lumipas.
Muli niya umano kinausap si Mariano para ituloy na ang pagpatay kay Atty. Barayuga.
Ayon naman kay Mariano, isang “Alyas Loloy” ang kanyang kinontak para isagawa ang pagpatay.
July 30, 2020 naisagawa ang pagpatay kay Atty. Barayuga sa Mandaluyong City.
Matapos nito si “Toks” na tao rin ni Garma sa PCSO ang nakipagkita kay Mariano para ibigay ang 300,000 pesos na pangakong ibabayad sa operasyon.
Inamin din ni Mariano na itinago nya ang 60,000, at ang 40,000 ay ibinigay nito kay Mendoza at ang buong 200,000 ay napunta naman kay alyas “Loloy”. —ulat mula kay Ed Sarto, DZME News