Malinis na mula sa rebelyon ng mga komunistang grupo ang lalawigan ng Misamis Occidental sa Northern Mindanao.
Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagde-deklara sa Misamis Occidental bilang insurgency-free sa pamamagitan ng resolusyon ng Sangguniang Panlalawigan, sa seremonya sa Tangub City ngayong Biyernes.
Mababatid na mahigit 50-taong naghasik ng gulo sa lalawigan ang mga rebeldeng grupo partikular ang Guerilla Fronts na Joji at Sendong ng Western Mindanao Regional Party Committee, at ngayon ay nawakasan na ito sa tulong ng Army 10th Infantry Battalion, 102nd Brigade, at 1st Infantry Tabak Division.
Sa kanya namang talumpati, hinikayat ng Pangulo ang mga lokal na pamahalaan sa Misamis Occidental na palakasin ang kolaborasyon sa mga ahensya ng gobyerno at iba pang katuwang, upang mapigil ang anumang tangkang muling pagpapalakas ng pwersa ng mga teroristang grupo sa lalawigan.
Samantala, namahagi rin ang Pangulo ng tig-10,000 financial assistance sa mga rebeldeng nagbalik-loob sa lipunan, sa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) program ng Dep’t of Social and Welfare Development. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News