Nabinbin pa ang approval sa Senate Subcommittee on Finance ng panukalang 2025 budget ng Presidential Communications Office makaraang magalit si Sen. Loren Legarda sa mga aniya’y hindi tamang impormasyon.
May kaugnayan ito sa tanong ni Legarda kung ilan ang kabuuang barangay sa bansa.
Ginawa ni Legarda ang pagtatanong sa gitna ng pagtalakay ni Jose Torres Jr, director general ng Philippine Information Agency ng kanilang proyekto na Barangay Information Officers Network.
Ayon sa PIA, may 42,045 ang mga barangays sa ngayon pero batay sa pahayag ng staff ni Legarda ito ay nasa 42,004 habang sa website ng Philippine Statistics Authority, nakasaad na 42,046.
Sinabi ni Legarda na ito ang halimbawa ng inaccurate information, disinformation, misinformation at incomplete staff work.
Tanong ng senadora kung paano magbibigay ng tamang impormasyon ang gobyerno sa taumbayan kung ito mismo ay nagkakagulo sa numero ng basic information.
Tiniyak naman ni PCO Acting Secretary Cesar Chavez na bahagi ng kanyang priority agenda ang determinasyon ng tamang bilang.
Sa kabila nito ay hindi humupa ang inis ng senadora at nagpasyang ipagpaliban ang pagtalakay sa panukalang budget sa susunod na linggo.
Iginiit ng mambabatas kung paano sila makauusad kung ang main communications arm ng gobyerno ay nalilito sa basic information. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News