Plano ng ilang senador na dagdagan ang tinapyasang budget ng Office of the Vice President para sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni Sen. Juan Miguel Zubiri makaraang ibaba sa P700 million ng Kamara ang budget ng OVP.
Inihayag ni Zubiri na sa pag-uusap ng mga senador, ramdam ang appetite o kagustuhang taasan ng kaunti ang panukalang budget ng OVP na kanilang ieendorso sa Pangulo.
Kabilang aniya sa mga senador na nagbabalak na magsulong ng dagdag budget sa OVP ay sina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva.
Mula sa mahigit P2 bilyon ay ibinaba ng mga kongresista sa P733.2 million ang proposed budget ng OVP.
Subalit sa ngayon hindi pa matukoy ng senador kung magkano ang kanilang idaragdag dahil kanila pa anya itong pag-aaralan.
Tinutulan naman ni Zubiri ang panawagang resignation kay VP Sara Duterte makaraang hindi dumalo sa budget deliberations sa Kamara.
Ipinaliwanag ni Zubiri na prerogative ng Bise Presidente ang pagdalo kasabay ng paalala na inihalal ng 31 milyong Pilipino si VP Sara Duterte. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News