Umaasa si Senate Majority Leader Francis Tolentino na marami pang ibubunyag si Guo Hua Ping, alyas Alice Guo sa susunod na executive session na itatakda ng Senado.
Sinabi ni Tolentino na matapos ang maikling executive session noong Martes ay may nakuha naman silang importanteng bagay kaugnay sa kanilang imbestigasyon sa POGO operations.
Naniniwala ang senador na ang pagpayag ni Guo na pumasok sa executive session at nagsabi pa ng mga bagay na hindi nya ibinunyag noon ay indikasyon na ginagalang nito ang Senado.
Sinabi ni Tolentino na sa kanyang paniniwala ay narami pang ibubunyag si Guo lalo na sa kondisyon niya ngayon na sa kanyang impormasyon ay sa plywood natulog dahil may mga surot sa piitan niya sa Pasig.
Idinagdag pa ng mambabatas na kalmado at direkta rin ang naging mga sagot ng dating alkade sa executive session.
Noong tanungin naman kung sa palagay niya’y nilaglag na si Guo ng kanyang mga kasamahan, sinabi ng senador na wala siya sa posisyon para mag-komento rito. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News