Nagkainitan, nagtaasan ng boses at nagkomprontahan sina Senators Juan Miguel Zubiri at Alan Peter Cayetano sa sesyon, kagabi.
Ito ay nang kwestyunin ni Zubiri ang biglaang pagkakasingit sa pagtalakay sa House Concurrent Resolution 23 na inakda ni Cayetano.
Ang resolution ay kaugnay sa posisyon ng Senado na nananawagan na pagbigyan ang mga residente sa Embo Barangays na magamit ang kanilang karapatang bomoto para sa kanilang Congressional Representative sa 2025 midterm elections.
Sinabi ni Zubiri na wala sa agenda ang concurrent resolution at hindi pa rin natatalakay sa iba pang mga senador.
Iginiit ni Zubiri na ipagpabukas ang pagtalakay sa concurrent resolution at hindi tamang gawin ito nang gabi na.
Ilang minuto munang nagdebate ang dalawa at humantong pa sa pagtaasan ng boses dahilan para suspindihin ang sesyon.
Pagbalik ng sesyon, tiniyak ni Cayetano kay Zubiri na ang resolution ay para lamang sense of the Senate o panawagan at hindi naman batas.
Dahil dito, napapayag din si Zubiri na iadopt ang resolusyon.
Kapwa rin humingi ng paumanhin sina Zubiri at Cayetano sa isa’t isa sa naging init ng kanilang mga ulo.
Aminado si Cayetano na mainit ang kanyang ulo dahil kasalukuyan siyang naka-steriod bunsod ng kanyang asthma attack.
Maging si Senate President Francis Escudero ay humingi ng paumanhin dahil inabot na ng gabi ang kanilang sesyon. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News