Kinuwestyon ng mga senador ang kapatid ni Michael Yang na si Tony Yang kaugnay sa kanyang pekeng pagka-Pilipino na ginagamit niya para kumita sa Pilipinas.
Sa pagharap sa pagdinig ng Senado kaugnay sa POGO operations, kinuwestyon ng mga senador ang paiba-ibang pangalang ginamit ni Tony Yang bukod sa pangalangang ito kabilang na ang Antonio Maestrado Lim at Yang Jianxin.
Kinumpirma ni Yang na isa siyang Chinese national na ipinanganak sa Fokien China subalit sa kanyang birth certificate nakalagay na isinilang siya sa Misamis Oriental.
Bukod sa birth certificate, natuklasan din ng committee na mayroong aplikasyon ng driver’s license at Tax Identification Number si Yang.
Sa gitna naman ng pagtatanong kay Yang, inilabas ni Sen. Risa Hontiveros ang mga larawan na kasama ni Yang ang ilang dating opisyal ng PNP kabilang na si dating PNP chief Benjamin Acorda.
Unang ipinakita ni Hontiveros ang larawan ni Yang kasama sina Ret. Gen. Lawrence Coop, former Regional Director for Region 10; Col. Lemuel Gonda, Chief of the Regional Cybercrime Unit for Region 10; at Col. Aaron Mandia, former Cagayan City police director.
Sinabi ni Yang na ang larawan ay kuha sa isang event para sa mga negosyante sa Cagayan de Oro.
Sunod namang ipinakita ay larawan ni Yang kasama sina Acorda, kasama sina Wesley Guo, ang tauhan ni Sual, Pangasinan Mayor Dong Calugay na si Cheryl Medina at isa pang katransaksyon sa trabaho na si Roderick Carolina.
Sinabi ng mga personalidad na ang larawan ay kuha sa pagdalaw nila kay Acorda ilang araw matapos maitalaga bilang lider ng PNP sa Camp Crame. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News