Binawi na ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang contempt order laban sa adopted sibling ni Guo Hua Ping, alyas Alice Guo na si Shiela Guo.
Sa pagsisimula ng ika-14 na pagdinig ng kumite kaugnay sa POGO operations, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng kumite na matapos ang pagdinig na ililipat na si Shiela sa kustodiya ng Bureau of Immigration sa bisa ng mission order ng ahensya.
Ihahain din laban kina Shiela at Alice Guo gayundin kay Cassandra Li Ong ang subpoena kaugnay sa kanilang kasong qualified human trafficking.
Samantala, dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig, pinaisyuhan ng subpoena ng kumite sina John Michael Mayrong, isa sa mga tauhan ng Alicel Fish Farm sa Pangasinan; gayundin si JP Samson na isa sa sinasabing kaibigan ni Alice Guo na nagpadala ng sulat sa kumite na nagsasaad na mayroon siyang medical condition na lymphedema; gayundin si dating Bamban, Tarlac Mayor Jon Feliciano.
Hindi naman nadala ng NBI sa pagdinig ang pitong personalidad na kasama sa kaso kay Alice Guo na sina Roderick Paul Pohante, Juan Miguel Alpas, Jaimelyn Santos Cruz, Thelma Barrogo Requero, Rita Oilteralde, Rowena Evangelista at Rachelle Joanne Malonzo Carreon dahil subject sila ng warrant of arrest ng Pasig City Regional Trial Court Branch 167.
Sinabi naman ni Hontiveros na dahil sa maraming personalidad ang nagsakit-sakitan ay posibleng magpatawag ng panibago pang pagdinig sa isyu. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News