Mahigit isang linggo bago ang paghahain ng Certificate of Candidacy, sunud-sunod na rin ang anunsyo ng mga reelectionist senators sa muli nilang pagsabak sa 2025 senatorial elections.
Nanindigan si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na hindi siya aatras sa kandidatura sa kabila ng kaliwa’t kanan na pambabatikos sa kanya kasabay ng pagsasabing hindi siya papayag na “forever” siyang bubugbugin ng mga isyu.
Kasama naman ni dela Rosa, si Sen. Christopher Bong Go na inanunsyo bilang opisyal na kandidato ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa kanilang National Assembly gayundin ang aktor na si Philip Salvador.
Sa kabila naman ng umiinit na pulitika at batuhan ng isyu, nanawagan si Go sa mga kaalyado at maging sa mga tagasuporta na ituloy lamang ang aniya’y tapat na panunungkulan, huwag magpaapekto sa ingay ng pulitika, at laging unahin ang kapakanan ng mahihirap.
Pasok din si Go sa pinakahuling survey na inilabas ng OCTA research tulad ni Sen. Lito Lapid na nagpasalamat sa pananatili niya sa top 12 ng mga kandidato sa pagka-senador sa 2025 elections.
Sinabi ni Lapid na nagpapasalamat siya sa mga kababayan nating patuloy na nagtitiwala at nagmamahal sa kanya.
Ayon pa kay Lapid, asahan aniya ng mga Pilipino na patuloy siyang maglilingkod ng malinis at tapat sa ating pamahalaan. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News