“Do not just fight. Lead the change”.
Ito ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa lahat ng Pilipino sa harap ng paglipana ng troll farms at misinformation.
Sa kanyang talumpati sa ika-50 Anibersaryo ng Publishers Association of the Philippines Inc. sa Pasay City, inihayag ng Pangulo na sa pag-angat ng makabagong teknolohiya ay nahaharap na rin ang mamamayan sa bagong uri ng kalaban.
Kabilang dito ang misinformation, cyber libel threats, at iba pang banta sa press freedom na magagawa sa pamamagitan lamang ng simpleng mga post, shares, at hindi maingat na pagpindot.
Kasama rin ang mga anonymous na troll farm at pagpapakalat ng conspiracy theories.
Kaugnay dito, sinabi ni Marcos na ang laban ngayon ay hindi na lamang limitado sa newsroom kundi nasa kamay na ito ng lahat ng gumagamit ng social media.
Nanawagan ang pangulo sa lahat na tumindig, magtanong, at mangilatis.
Sinabi ni Marcos na sa bagong Pilipinas, walang puwang ang kasinungalingan at lahat ay sama-samang titindig sa katotohanan.—ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News