dzme1530.ph

Kawalan ng medical record ng maraming Pilipino, layuning lutasin ng ipinamahaging Bagong Pilipinas Mobile Clinic

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na layunin ng ipinamahaging Bagong Pilipinas Mobile Clinics sa bawat probinsya, na ma-resolba ang problema sa maraming Pilipinong walang medical record, lalo na ang mga nakatira sa mga liblib at malalayong lugar na hindi nakakapunta sa mga ospital.

Sa seremonya sa Manila North Harbor Point sa pag-turnover ng 28 mobile clinics sa mga probinsya sa Mindanao, sinabi ng Pangulo na kapag may medical record ang isang pasyente, mas madaling mababantayan kung lumalala o gumagaling ba ang kanilang mga karamdaman.

Sa pamamagitan din umano ng sariling x-ray, ultrasound, at laboratory equipment sa bawat medical coaster ay maisasagawa ang early diagnosis o maagang pag-detect sa mga posibleng komplikasyon, at maiiwasan o maaagapan ang mga sakit tulad ng tuberculosis, diabetes, sakit sa bato, at iba pa.

Ang bawat isang mobile clinic ay nagkakahalaga ng ₱9.9 million at maghahatid ito ng libreng konsulta sa mga residente. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News

About The Author