Inanunsyo na ng LAKAS-CMD Party ang kanilang chairman na si Sen. Ramon Revilla bilang kanilang official senatorial candidate sa susunod na taon.
Sa resolution ng partido, idineklara si Revilla bilang nag-iisang kandidato sa Midterm senatorial elections sa Mayo.
Pinasalamatan ni Revilla ang kanyang partido sa pangunguna ng kanilang presidente na si House Speaker Martin Romualdez sa tiwalang patuloy na ibinibigay sa kanya.
Kasabay nito, hinimok ni Revilla ang mga kapartido na patuloy na magtulungan para sa mas maliwanag na kinabukasan ng bayan.
Pinuri rin ni Revilla si Romualdez sa maayos na pamamalakad sa partido na lalo anyang nagsulong ng pagiging solido at committed sa kanilang misyon na palakasin pa ang partido.
Si Revilla ay naging miyembro ng Lakas CMD simula pa nang siya ay vice governor ng Cavite o may tatlumpung taon na sa partido.
Matatandaang nakipag-alyansa na ang Lakas-CMD sa Partido Federal ng Pilipinas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Kabilang naman sa mga batas na isinulong ni Revilla ang ‘Kabalikat sa Pagtuturo Act’, ‘Expanded Centenarians Act’, ‘No Permit, No Exam Prohibition Act’, ‘Free College Entrance Examinations Act’ at ‘Permanent Validity of the Certificates of Live Birth, Death, and Marriage Act’. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News