Muling napatunayan ang pagiging professional scam artist ni Guo Hua Ping na ang pagkakakilanlan ay binuo ng mga kasinungalingan.
Ito ang binigyang-diin ni Sen. Risa Hontiveros makaraang hindi mag match ang lagda ni Guo sa lagda sa kanyang counter affidavit.
Ipinaalala ni Hontiveros na sa pahayag ng mga abogado ni Guo, pumirma siya ng counter-affidavit bago tumakas subalit ayon sa NBI ibang tao ang pumirma.
Isa na naman anya itong kasinungalingan na dagdag sa patung-patong na kasinungalingan.
Iginiit ni Hontiveros na mananagot hindi lang ang kliyente kundi pati ang kanyang abogado kayat umaasa siyang iimbestigahan ito hindi lang ng DOJ kundi maging ng Integrated Bar of the Philippines.
Sa panig naman ni Sen. Joel Villanueva, sinabi nitong hindi na nakakagulat ang natuklasan ng NBI.
Tanong ni Villanueva kung ano pa bang aasahan sa mga kriminal na sa simula pa lamang ay nagsinungaling na.
Iginiit ng senador na dapat nang managot ni Guo sa kanyang mga kasalanan sa batas kasama na ang kanyang mga kasabwat. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News