dzme1530.ph

Pagdinig ng Senado sa POGO operations, tatapusin na sa susunod na linggo

Tatapusin na sa susunod na linggo ang pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations, and gender equality kaugnay sa iligal na POGO operations.

Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, muli silang magsasagawa ng pagdinig sa susunod na Martes, Sept. 24, at posibleng ito na ang pagsasara ng hearing.

Isa aniya sa tumagal na imbestigasyon ang isyu ukol sa mga illegal na POGO sa Bamban Tarlac at Porac Pampanga kung saan aabot na sa pang-14 na hearing sa susunod na linggo.

Kaya malamang aniya makapal ang kanilang magiging committee report ukol sa illegal POGO na kinasasangkutan ni dismissed Mayor Alice Guo.

Samantala, kung si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III ang tatanungin, maituturing pang nasa lebel pa lamang ng pagiging tsismis ang isiniwalat ni Ret. Gen. Raul Villanueva ng PAGCOR na mayroong isang dating hepe ng Philippine National Police ang nasa monthly payroll ng POGO.

Sinabi ni Pimentel na narinig niya ang naging pahayag ni Villanueva na patuloy pa rin aniyang bineberipika ng intelligence community at wala pa ring tinukoy na pangalan.

Kaya sa ngayon ay ayaw munang patulan ng senador ang usapin na maituturing na tsismis pa lang. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author