Muling hinikayat ni Senate President Francis Escudero ang Department of Transportation na tiyaking walang maiiwan sa implementasyon ng Public Transport Modernization Program, partikular ang mga umaasa sa operasyon ng mga jeep bilang kanilang kabuhayan.
Sinabi ni Escudero na dapat patuloy na makipag-ugnayan ang gobyerno sa PUV drivers at operators na hindi pa rin nagko-consolidate bilang kooperatiba o korporasyon.
Ipinaalala ng senate leader na walang karapatan ang gobyerno na mawalan ng pasensya kaya’t dapat palaging maging bukas ang linya ng komunikasyon.
Ang pahayag ay ipinarating mismo ni Escudero sa kanyang pakikipagpulong kay DoTr Sec. Jaime Bautista.
Ipinarating din ni Escudero sa mga opisyal ng DoTr ang lahat ng mga concerns ng PISTON at MANIBELA na una na niyang pinulong.
Isa na rito ang valuation ng mga kasalukuyang jeep na ite-trade in dapat ng mga driver at operator.
Inirekomenda naman ni Escudero sa DoTr na pag-aralan ang posibilidad na payagan ang mga unconsolidated PUV groups na maging bahagi pa rin ng ruta o magconsolidate man ay huwag nang maging bahagi ng kooperatiba.
Kailangan din anyang aralin ang hinaing ng iba pang PUV groups na masyadong mataas ang presyo ng mga modern jeepney. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News