dzme1530.ph

Lumolobong COS social workers ng DSWD, pinuna ng mga senador

Muling pinuna ng mga senador ang malaking bilang ng mga manggagawa ng Department of Social Welfare and Development na ilang taon nang Contract of Service pa rin.

Sa pagtalakay sa panukalang budget ng DSWD, sinabi ni Sen. Imee Marcos na lumalala ang sitwasyon ng ahensya sa mga contractor partikular ang mga social worker.

Ayon kay Marcos, mula sa 31% noong isang taon na mga contract of service, umakyat ito ngayong taon sa 42% na pawang walang benepisyo.

Sinabi ni DSWD Sec. Rex Gatchalian na taun-taon ay humihiling sila sa Department of Budget and Management ng mga dagdag na plantilla positions subalit limitado lamang ang naibibigay sa kanila.

Kinumpirma rin ni Gatchalian na karamihan sa mga contract of service employees ay ang mga nangangasiwa sa pamamahagi ng 4Ps at sa mga disaster na hindi pa rin naman saklaw ng permanent bureau.

Kaya isinusulong din aniya nila na maging regular nang bahagi ng DSWD ang kanilang Bureau of Disaster.

Sa pagpuna naman ni Sen. Raffy Tulfo, sinabi nitong para na silang sirang plaka dahil sa mga nakalipas na budget season ay isinulong na nila na gawing regular ang social worker lalo na ang matagal ng nagtatrabaho sa DSWD.

Kinuwestyun din Tulfo ang mga social worker na hanggang ngayon ay sumasakay lamang ng tricycle kapag namamahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na lubha aniyang delikado.

Sinabi ni Gatchalian na may binili silang 52 vans na ikinalat sa iba’t ibang rehiyon bagamat hindi ito sapat kaya naglabas sila ng memo na magrenta ng van kapag mamahagi ng AICS. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News

About The Author