Nilinaw ng National Maritime Council na ang pagbabalik ng BRP Teresa Magbanua sa Palawan ay hindi nangangahulugang isinuko na ang Escoda Shoal.
Sa ambush interview sa Malacañang, inihayag ni NMC Spokesman Vice Admiral Alexander Lopez na sa katunayan ay nagmatigas ang Pilipinas sa pinaka-huling bilateral consultation meeting sa China, para sa pagpapanatili ng presensya sa Escoda.
Ipinaliwanag din ni Lopez na humanitarian ang pangunahing rason sa pagpapauwi sa BRP Teresa Magbanua, dahil nagkakasakit na ang crew members nito at nangangailangan ng agarang medikal na atensyon.
Sinabi naman ng NMC na ipinag-utos na ng Philippine Coast Guard ang pagpapadala ng barkong papalit sa pagbabantay sa Escoda Shoal. —ulat mula kay Harley Valbuena, DZME News