Kinumpirma ngayon ni Sen. Francis Tolentino na ililipat na ang dalawang counts ng kasong katiwalian laban kay dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo sa Valenzuela Regional Trial Court mula sa Capas Tarlac.
Sa zoom press briefing, sinabi ni Tolentino na pinatunayan lamang nito na tama ang kaniyang posisyon na walang hurisdiksyon sa kaso ang Capas Tarlac RTC.
Bunsod nito, sinabi ng senador na hindi na tuloy ang dapat sanang arraignment o pagbasa ng sakdal kay Guo sa Capas mamayang hapon.
Nakasaad aniya sa order na humingi si Capas Tarlac RTC Judge Sara Vedaña-delos Santos ng paglilinaw sa Korte Suprema kaugnay sa huridiksyon at ito na aniya ang nagsabi na wala ngang hurisdiksyon ang Capas.
Ipinaliwanag ni Tolentino na hindi dapat mapunta sa judicial region na maaaring may impluwensya ang isang kinasuhan kaya’t sa pagsusuri ng senador mas nararapat ito sa Valenzuela RTC.
Dahil dito, iginiit ng senador na posible nang igiit ng senado ang kustodiya kay Alice Guo dahil lumilitaw na ang warrant of arrest ng Mataas na Kapulungan ang dapat na manaig sa kaso.
Samantala, ayon sa Valenzuela Clerk of Court, natanggap na ng Valenzuela RTC ang kaso na iraraffle sa susunod sa linggo. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News