Nangako si Sen. Sherwin Gatchalian na patuloy na isusulong ang mga panukalang naglalayong tuluyan nang ipagbawal ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ay sa kahit mailabas na sa susunod na dalawang linggo ang executive order na nagba-ban sa mga POGO.
Ayon kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee Ways and Means, kailangan ang batas para permanente nang maipagbawal ang POGO sa Pilipinas.
Sa ngayon anya ay may kautusan ang Pangulo para sa POGO ban ngunit maaari itong mabago kapag nagpalit ang Presidente.
Kaya pagtitibayin ang hakbang sa pamamagitan ng isang batas.
Pinag-aaralan naman kung dapat bang mabigyan ng Exemption ang mga Economic Zones na may mga Special BPO na nagsisilbing Service Provider ng mga POGO na nasa ibang bansa ngunit hindi sila kumukuha ng taya. —ulat mula kay Dang Garcia, DZME News