Tumaas pa sa average na 11,556 tons per day ang ibinugang sulfur dioxide ng bulkang Kanlaon sa Negros Provinces.
Sa 7 p.m. advisory ng PHIVOLCS, ito na ang pinakamataas na emission ng bulkan mula nang umpisahan nila ang instrumental gas monitoring.
Sinabi ng ahensya na ang tumaas na aktibidad sa Kanlaon noong Sept. 9 ay nangyari tatlong buwan pa lamang ang nakalipas matapos itong pumutok noong Hunyo.
Nananatili sa Alert level 2 ang bulkan subalit nagbabala ang state seismologist sa sunod-sunod na volcanic earthquakes na maaring mauwi sa panibagong pagputok.
Inihayag ng Phivolcs na naiulat ang sulfuric fumes sa Brgy. San Miguel sa La Carlota City; Brgy. Masulog at Brgy. Pula sa Canlaon City; Brgy. Codcod sa San Carlos City; at Brgy. Inolongan sa Moises Padilla. —sa panulat ni Lea Soriano-Rivera